NORA
C. VILLAMAYOR
U.P.
Gawad Plaridel Recepient
|
"Para sa
kanyang bukod-tanging kasiningan at bersatilidad bilang mang-aawit, na naglipad
sa kanya sa rurok ng tagumpay bilang nag-iisang kampiyon nang maraming buwan sa
pambansang paligsahan na Tawag ng Tanghalan, at nagpatunay na sinuma't alin na
ang talino, saan man nag-ugat, ay may kakayahang buwagin ang mga bakod na
itinakda ng mayayaman at nagmamarunong, at kapag nilakipan ng karisma, ay
makalilikha ng dambuhalang hukbo ng mga tagahanga, na ngayo'y sumasaklaw na sa
maraming sektor, uri, at salinlahi ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa;
"Para sa
matalino at sensitibong pagganap niya sa kagilagilalas na dami at uri ng papel
sa pinilakang tabing, mula movie fan sa Bona hanggang pekeng faith healer sa Himala,
mula aktibista sa Bakit May Kahapon Pa? hanggang abogado sa Naglalayag, mula
nars sa Minsa'y Isang Gamu-Gamo hanggang madre sa Fe, Esperanza, Caridad, mula
titser sa Tatlong Taong Walang Diyos hanggang disco dancer sa Annie
Batungbakal, mula domestic helper sa The Flor Contemplacion Story hanggang
manghihilot ng tribo sa Thy Womb—mga papel na umani para sa kanya ng
pinakamatataas na papuri mula sa mga kritiko at makapelikula mula sa lahat ng
sangay ng lipunang Pilipino;
"Para sa
pagpoprodyus niya, sa pamamagitan ng kanyang NV Productions, ng mga pelikulang
may natatanging kalidad, tulad ng Banaue, Alkitrang Dugo, Tatlong Taong Walang
Diyos, Annie Batungbakal, Bona, at Tisoy, kung saan nagsama ang mga batikang
direktor, iskriprayter, aktor, at iba pang artista ng pelikula, at sa
pagtataguyod niya bilang prodyuser at/o aktor ay nakalikha ng mga pelikulang
nakatulong sa pag-aangat ng antas ng mga pelikulang ginagawa sa Pilipinas;
"Para sa
paglabas niya sa mga programa sa telebisyon na nagtagal nang maraming taon at
nakintal sa pambansang alaala, tulad ng musical variety show na Nora Aunor Show
at Superstar, na nagpakita ng kanyang kahusayan sa pag-awit at pagsayaw at
nagpauso ng isang pormat sa telebisyong Pilipino, at ang lingguhang drama
anthology na Nora Cinderella at Ang Makulay Na Daigdig ni Nora, na naghatid sa
publiko ng pulyidong pag-arte sa drama at mga makabuluhang naratibo ng
pang-araw-araw na buhay;
"Para sa
paghamon niya sa pamantayang kolonyal na nagtatanghal sa mestisa bilang huwaran
ng kariktan sa pelikula at lipunang Pilipino at sa paggigiit niya na ang tikas
na kayumanggi—balat na kulay ng gintong pulot, buhok na sing-itim ng uwak, at
katawang balingkinitan—ay kapantay ng iba pang uri ng kagandahan, lalo na't sa
Pilipinas ay kinakatawan ng kayumanggi ang nakararaming may lahing Malayu, na
umiral mula panahong pre-kolonyal hanggang kasalukuyan, mula kanayunan hanggang
kalungsuran, mula barong-barong hanggang mansion;
"Para sa
paggamit niya ng kanyang di-matatawarang popularidad bilang susi para mabuksan
para sa masang umiidolo sa kanya at hawig sa kanya ang pinagmulan, ang mundo ng
mga makabuluhang pelikula at dulang naglalarawan at sumusuri sa nakalulunos na
kinasasadlakan ng nakararaming Pilipino at ang mga tauhang hubad sa yaman at kapangyarihan
na kanyang matagumpay na isinabuhay at biniyayaan ng silay ng pag-asa sa
pagbabagong lipunan;
"Para sa
kanyang lantay na kasiningan at nakamamanghang birtuosidad sa pagganap, na
nagdala ng ningning at liwanag sa radyo, telebisyon, at pelikulang Pilipino,
nagtakda sa kanya bilang huwaran at pamantayan ng kagalingan para sa kanyang
mga kasabayan at kasunuran, at nag-angat sa ating pelikula at brodkast midya sa
antas na higit na mataas kaysa sa dinatnan niya sa pagsisimula ng kanyang
masanghayang buhay bilang artista;
"Ang U.P.
Gawad Plaridel ng taong 2014 ay ibinibigay kay Nora Aunor (Nora Cabaltera
Villamayor) ng Unibersidad ng Pilipinas, ngayong ika-27 ng Agosto ng taong
2014, sa Cine Adarna, UP Film Institute Film Center, Unibersidad ng Pilipinas,
Diliman, Lungsod Quezon."
Binabasa ni Dr. Nicanor Tiongson, Propesor Emeritus ng UP Kolehiyo ng Komunikasyon, ang Sertipiko ng Pagkilala kay Nora. |
No comments:
Post a Comment