Pages

Thursday, August 28, 2014

PAGGAWAD NG PAGKILALA KAY NORA C. VILLAMAYOR

NORA C. VILLAMAYOR
U.P. Gawad Plaridel Recepient
"Para sa kanyang bukod-tanging kasiningan at bersatilidad bilang mang-aawit, na naglipad sa kanya sa rurok ng tagumpay bilang nag-iisang kampiyon nang maraming buwan sa pambansang paligsahan na Tawag ng Tanghalan, at nagpatunay na sinuma't alin na ang talino, saan man nag-ugat, ay may kakayahang buwagin ang mga bakod na itinakda ng mayayaman at nagmamarunong, at kapag nilakipan ng karisma, ay makalilikha ng dambuhalang hukbo ng mga tagahanga, na ngayo'y sumasaklaw na sa maraming sektor, uri, at salinlahi ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa;

"Para sa matalino at sensitibong pagganap niya sa kagilagilalas na dami at uri ng papel sa pinilakang tabing, mula movie fan sa Bona hanggang pekeng faith healer sa Himala, mula aktibista sa Bakit May Kahapon Pa? hanggang abogado sa Naglalayag, mula nars sa Minsa'y Isang Gamu-Gamo hanggang madre sa Fe, Esperanza, Caridad, mula titser sa Tatlong Taong Walang Diyos hanggang disco dancer sa Annie Batungbakal, mula domestic helper sa The Flor Contemplacion Story hanggang manghihilot ng tribo sa Thy Womb—mga papel na umani para sa kanya ng pinakamatataas na papuri mula sa mga kritiko at makapelikula mula sa lahat ng sangay ng lipunang Pilipino;

"Para sa pagpoprodyus niya, sa pamamagitan ng kanyang NV Productions, ng mga pelikulang may natatanging kalidad, tulad ng Banaue, Alkitrang Dugo, Tatlong Taong Walang Diyos, Annie Batungbakal, Bona, at Tisoy, kung saan nagsama ang mga batikang direktor, iskriprayter, aktor, at iba pang artista ng pelikula, at sa pagtataguyod niya bilang prodyuser at/o aktor ay nakalikha ng mga pelikulang nakatulong sa pag-aangat ng antas ng mga pelikulang ginagawa sa Pilipinas;

"Para sa paglabas niya sa mga programa sa telebisyon na nagtagal nang maraming taon at nakintal sa pambansang alaala, tulad ng musical variety show na Nora Aunor Show at Superstar, na nagpakita ng kanyang kahusayan sa pag-awit at pagsayaw at nagpauso ng isang pormat sa telebisyong Pilipino, at ang lingguhang drama anthology na Nora Cinderella at Ang Makulay Na Daigdig ni Nora, na naghatid sa publiko ng pulyidong pag-arte sa drama at mga makabuluhang naratibo ng pang-araw-araw na buhay;

"Para sa paghamon niya sa pamantayang kolonyal na nagtatanghal sa mestisa bilang huwaran ng kariktan sa pelikula at lipunang Pilipino at sa paggigiit niya na ang tikas na kayumanggi—balat na kulay ng gintong pulot, buhok na sing-itim ng uwak, at katawang balingkinitan—ay kapantay ng iba pang uri ng kagandahan, lalo na't sa Pilipinas ay kinakatawan ng kayumanggi ang nakararaming may lahing Malayu, na umiral mula panahong pre-kolonyal hanggang kasalukuyan, mula kanayunan hanggang kalungsuran, mula barong-barong hanggang mansion;

"Para sa paggamit niya ng kanyang di-matatawarang popularidad bilang susi para mabuksan para sa masang umiidolo sa kanya at hawig sa kanya ang pinagmulan, ang mundo ng mga makabuluhang pelikula at dulang naglalarawan at sumusuri sa nakalulunos na kinasasadlakan ng nakararaming Pilipino at ang mga tauhang hubad sa yaman at kapangyarihan na kanyang matagumpay na isinabuhay at biniyayaan ng silay ng pag-asa sa pagbabagong lipunan;

"Para sa kanyang lantay na kasiningan at nakamamanghang birtuosidad sa pagganap, na nagdala ng ningning at liwanag sa radyo, telebisyon, at pelikulang Pilipino, nagtakda sa kanya bilang huwaran at pamantayan ng kagalingan para sa kanyang mga kasabayan at kasunuran, at nag-angat sa ating pelikula at brodkast midya sa antas na higit na mataas kaysa sa dinatnan niya sa pagsisimula ng kanyang masanghayang buhay bilang artista;

"Ang U.P. Gawad Plaridel ng taong 2014 ay ibinibigay kay Nora Aunor (Nora Cabaltera Villamayor) ng Unibersidad ng Pilipinas, ngayong ika-27 ng Agosto ng taong 2014, sa Cine Adarna, UP Film Institute Film Center, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon."

Binabasa ni Dr. Nicanor Tiongson, Propesor Emeritus ng UP Kolehiyo ng Komunikasyon, ang Sertipiko ng Pagkilala kay Nora.
Ang Pagkilala ay nilagdaan nina Alfredo Pascual, pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas; Michael Tan, tsanselor ng U.P. Diliman; at Roland Tolentino, dekano ng UP Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla.

----------
Ang mga litrato ay mga kuha ni Erickson Dela Cruz

No comments:

Post a Comment