ni Deo Antazo
“Nakayakap ang mga ulap sa mga bundok. Mapapansin ang kokonting bahay
sa komunidad ng Kasinggan. Ito ang huling baryo sa bundok bago maabot
ang ulap. At sinasabing, piso na lamang, abot mo na ang langit.Ito ang
karaniwang tanawin sa Mountain province.
Mararamdaman ang lamig na
bumabalot sa paligid dahil sa mga hamog sa mga puno at halaman.
Sa mga taniman na nakaukit sa gilid ng matatarik na bundok ay nakasibol
ang iba’t ibang klase ng gulay tulad ng repolyo at cauliflower.”
Dito sinimulan ng kwentistang si Mes De Guzman ang paglalahad sa pinaka
bago niyang obra na ang Kwento ni Mabuti. Bagamat may lantay ng realismo
hindi romantikong inilahad ni De Guzman ang karaniwan at gasgas na tema
ng indie films, ang kahirapan, patayan at seks. Hinayaan niyang
masaksihan ng manonood ang natural na daloy ng kanyang naratibo.
Madarama mo at makikita ang payak na kagandahan ng lunan. Ang mataas na
kabundukan ay dikotomiya sa payak na pamumuhay at simpleng pangarap ng
mga nakatira doon. Ang malamig na kapaligiran ay kabaligtaran ng mainit
na pagsasasamahan ng mga tao sa komunidad at ang pakikitungo nila sa
isa’t isa. Mahusay ang paghabi ng naratibo ng kwento.
Ito ang birtud ng
Ang Kwento Ni Mabuti. Ang paglalahad ng kwento at eksposisyon nito na
hindi kailangan ng magarbo at komplikadong naratibo upang maghain ng
kakaibang pelikula. Sinagka ni De Guzman ang paglalahad ng kwento na
kailangan na may simula, gitna at malinaw na wakas. Dahil iiwan sa atin
ng kwentista ang magiging katapusan ng kwento. Ang lipunan ang espasyo
ng imahinasyon ng manunulat, mambabasa at manonood. Ang kwento ni Mabuti
ay hindi lamang personal na karakter ng manunulat, si Mabuti ay
panlipunang tauhan na nauunawaan natin dahil sa panlipunang dimension at
ugnayan. Halimbawa ang relasyon ni Mabuti sa kanyang pamilya bilang
anak at bilang ina na mag isang tinataguyod ang mga anak. Ang relasyon
niya sa mga tao sa komunidad bilang folk healer at ang obligasyon niya
sa kanyang sarili.
Anu pa ang mabuti sa kwentong ito? Ang kasimplehan ng mga tauhan at ang pagiging authentic ng lengwahe na ginamit dito.Ang pagpili kay Nora Aunor bilang Mabuti ay umaayon sa deklarasyon ng iskolar at kritiko na si Rolando Tolentino kay Nora bilang bilang cultural icon ayon sa kanya” nasisipat ng figura ni Nora ang malaking kulturang Filipino”.
Ang isa pang punto na dapat papurihan ay ang tema nito, hindi intensiyon ni Mes na mangaral o maglitanya tungkol sa moralidad. Batid niya na may kanya kanya tayong pagpapahalagang moral. Sa huli, iiwan niya sa manonood ang kasagutan ngunit magsisilbi itong gabay sa atin bilang tao sa pagtahak natin sa landas tungo sa inaasam ng lipunan sa atin sa isang matuwid na daan.
No comments:
Post a Comment