Jason Pilapil Jacobo
----------o0o---------
Hinugot mula
sa:
----------o0o---------
Sinisipat
ng abot-tanaw ng pamemelikula ni Brillante Ma. Mendoza ang mga bakas ng sakuna
na dulot ng unos na Yolanda sa “Taklub.” Sa panahong dinaratnan ng pelikula,
halos isang taon na ang lumipas nang sinalanta ng sigwang Haiyan ang lungsod ng
Tacloban, subalit malalim pa rin ang dalamhati ng loob ng nagsusumikap na
makaalpas sa suliranin ng sakuna. Habang pinaiigting ng bumubungad na
aksidenteng sunog sa tent city ang halos hindi na maaarok na dusa ng nasalanta,
binubuksan naman, kahit baha-bahagya, ang ilang sitio kung saan maaaring
gumapang pabalik sa rabaw ng danas ang abot-dili ng natataklubang diwa.
Kung
sasaliksikin ang mga talahuluganan ng mga wika sa Visayas mula pa noong
ikalabingwalong dantaon, mahihiwatigan sa mga entri sa “taclob/taclub” ang
metonimiya ng proteksiyon, kung ang taklob ay pantakip, o saplot na nga sa
katawan laban sa di mawaring kawalang katiyakan ng panahon sa ronang tropiko,
lalo na ng Leyte, na nakalantad sa karagatang Pasipiko, kung saan unang
nagwawasiwas ang mga siklon na kinatatakutan sa buong kapuluan. Naririyan din
siyempre ang pagbanggit sa isang uri ng talaba na maaaring makalap mula sa mga
baybayin ng Leyte, ang “taklobo,” na hindi malayong ituring din bilang metafora
ng likas na resistans ng labas sa kabila ng pagiging delikado ng laman-loob.
Kaya, interesante ang pinipiling salin sa pamagat. Bakit “trap” kaagad ang ipinalilitaw,
at hindi “shelter”? Ano ang iginigiit sa balintiyakang pagpapa-aninaw na ito ng
iisang panig lamang, ng bahaging “cul de sac” ng nag-iilang-diwang taguri sa
gawi ng anumang katawan na takpan ang sarili sa harap ng matinding alinsangan
at daluyong?
Sa
isang mapanuring etnograpiya ng isang pulo sa Kabisayaan, ipinabanaag sa anyong
tuluyan ni Jean-Paul Dumont ang hulagwayan ng gayong ilang-diwa, lalo na sa
pagpapalawig ng danas-gugma. Tinawag niyang “visayan vignettes” ang hugis ng
isinasagawa niyang metodolohiya ng pagtugaygay sa kanyang sapa-sapantaha
hinggil sa “ethnographic trace.” Habang may pagmamalay sa anyo ng “sugilanon,”
na maaaring katumbas ng “katha” ng mga Tagalog at ng “osipon” ng mga Bikolnon,
tinurol ng antropologo ang mga bakas ng nakamihasnang ugali ng mga
taga-Siquijor upang buoin ang isang ladawan ng mga damdamin/sentimyento,
pakiramdam/sentido, at pagdaramdam/sentimentalidad na lumilinang sa isla bilang
pulo nga ng di matataguriang pamumuhay at paghahanap-buhay sa agaw-dilim ng
gugma.
Masasabing
may taglay na pagkakaunawa sa gayong “miserabilismo” ang pelikula ni Mendoza.
At kung babanatin pa, maaaring narating din ng kanyang nagsusugilanong katha
ang gayong sensibilidad (bagaman mapakla [at halatang piniga pa ang tamis-pait
mula sa lasang ito], produktibo gilayon ang pagbabatuhan ng mga asiwang linya
sa pagitan ng Waray at Tagalog, upang ipabatid na dati pa man, isa nang
“contact zone,” o pook-diitan, ang Tacloban, at higit itong mananatili bilang
gayon dahil sa sakuna). Ginamit na kasangkapan ng dulang pampelikula ni Honelyn
Joy Alipio ang apat na kuwadro ng kasalantaan: si Renato (Lou Veloso) na
kinalayo ang natitirang mga supling mula sa inanod na ngang mag-anak; si Larry
(Julio Diaz) na nagkabaun-baon sa lupa ang mga mahal sa buhay; si Erwin (Aaron
Rivera) na nililipad-lipad ng hangin ang papeles ng pagkautas ng kanyang mga
ginikanan; at si Bebeth (Nora Aunor) na naglalaum na buhat sa nukleotidong
mababakas mula sa kanyang laway ay mababatid pa rin sa wakas ang mga bangkay ng
mumunting padangat na itiniwalag sa kanya ng malulupit na ragasa.
Mahusay
ang kuwadrilateral na pagpipitak-pitak na ito ng sinematograper na si Odyssey
Flores ayon sa mga elemento ng ronang tropiko, upang ipahiwatig ang salaysay ng
muling paglikha mula sa kalugmukang dulot ng tifon, dahil naisasaysay ang
mahilahil pa ring pagluluwalhati na pinagdaraanan ng sinumang nababalaho sa
luksa. Mayroong binubuo, oo, datapuwa, lagi namang natatalos ng panghuhubog ang
alaala ng pinsala, kaya’t paulit-ulit na lalagapak, tulad ni Sisifo.
Alalaong-sana,
nakalulundag ang pelikula lampas sa balag ng alanganin na hinahawan niya,
subalit hindi. Nananatili ang tanaw-daigdig sa loob ng sakuna sa mismong
kasalantaan na dahilan ng kanyang pamamanaag, at katwiran ng panganganino.
Nabibigo ang salaysay ng mga napahamak na, na alpasan ang alapaap na akala
niya’y nagpapalinaw ng kanyang sipat. Liban sa pagsasadula ng paglala ng
burukrasya, wala nang ibang pinagbabalingan ng suri sa kung ano ang mali sa mga
kalakarang panlipunan kaya ganoon na lamang ang kaguluhan. Sa pagyakap sa
traumaturhiya ng mga nasakuna, ang nasasalat lamang ay pagsuko sa taumaturhiya,
sa paniniwalang may panahon ng himala: maaaring hindi ngayon, maaaring hindi
bukas, ngunit tiyak ang pagdatal nito, dahil nakalaan na nga ang panahong
ipinangako, isasakatuparan na lamang ang nakaakda sa kalatas. Ang
pinakamabuting gawin—ipasa-panginoong Maykapal na lamang ang lahat. Kaya ganoon
ang wakas: isang sipi mula sa Ecclesiastes, at isang koro na magsisiawit na
sasapit din ang ganap na pagkaligtas. Hindi ba’t batbat ng panganib ang
ganitong maling panunumbalik sa Lumang Tipan, kung saan halos lahat naman ng
desastre ay kalooban ng Diyos? Kaya pala ang taklub dito ay walang pakundangang
bitag. Ito ang puno’t dulo ng isang katha na wala namang inihahandog na dahilan
sa antas ng kayarian, kung bakit lumiwag ang kasalantaan, kung bakit ganoon pa
rin ang kalagayan—sakuna, at sakuna lamang—kaya iniaasa sa isang teolohikal na
paglalahad ang bukod-tanging pormasyon ng pagpapasya sa mga ipakilala sa
simulang biktima. Ganoon na lamang ba ang sakuna, galing sa kalikasan, kaya’t
ipauubaya na lamang din sa pag-inog ng mundo’t pagdausdos ng panahon?
Ganito
man ang pangkalahatang suliranin ng pelikula hinggil sa tagal (tenure) ng
sakuna, hindi naman matatawaran ang pagkiling nito sa kasandalian ng lunan,
kahit pansamantala lamang, lalo na sa kapangyarihan nito na himatungin ang
damdam ng hindi na magpapagaping kalooban. Kung gugma nga ang kalagayang
pinapangarap sa kabila ng lahat ng desgrasya buhat sa mga pangyayaring
itinuturing bilang likas, may karunungang bayan hinggil sa lugar nito sa
paghahanap-buhay, na hindi mahihindian ang pag-usbong nito sa larang ng
hilahil, tulad na lamang ng matatanto sa eksena kung saan inaawit at isinasayaw
ang “Rosas Pandan.” Doon, natutunghayan ng pelikula ang paghuhubad ng takot na
itinaklob sa katauhang nasalanta. Kaya’t nagagawang umindak ng mga paa at kamay
na dati’y walang ibang atas kundi tiyakin na ang sarili’t kapuwa’y sa marahas
na tubig, hindi pa natatangay.
At,
buti na lamang, hindi napapagal ang isang Binibining Aunor! Gala siya nang gala
sa bawat sulok ng sawing siyudad, nangangalap ng tulong para sa kaibigang
nasalanta. Luto pa rin nang luto nang may maihain na longganisa’t itlog sa mga
kumakatok sa kanyang karinderya. Nagpapatuloy ng mga walang masisilungang
kapitbahay kapag ang mga ito’y natataranta sa kulog at kidlat na lumiligalig sa
dagat. Nag-aampon ng ulilang tuta. Naghahagilap ng hiniwalayang bana, sa
pag-asang may DNA match na magpapabatid sa kanyang may maililibing na bangkay
ng inanod na anak. Nakamamangha na kahit na lumalim na ang kanyang pag-unawa sa
tauhan matapos ang dekada-dekadang pagdurusa sa loob at labas ng kanyang banwa,
may ilalalim pa pala ang balon ng kanyang abot-dama. Lubos pa sa lubos ang
kalinangan niya na bagbagin ang damdam, na lansagin ang kayarian nito,
alinsabay sa pagtuturo ng hibo ng dangal na itataklob sa kaloobang puspos ng
bagabag. Sa mga sandaling nakalaan para sa nakakuwadrong luksa, kusa niya
pipiliin ang laylayan, upang patatagin ang balangkas na maglalarawan sa
dinadalanghati ng kapuwa. Kaya: hindi pa man tumitingala, batid na natin na
matagal nang naghihinagpis ang nakatungong si Lou Veloso; wala pa man siyang
binibigkas, gumuguho na ang wika kay Julio Diaz; hindi man makapalag buhat sa
kanyang kinasasadlakang diwa, matitiyak natin na ninanasa ni Aaron Rivera ang
isang pagkakataon sa liwanag.
Walang
maliw na pagkamingaw at paghigugma ang pagpatak na iyon ng tiniis na luha mula
sa hindi pa rin natin malirip-lirip na mata: Nora.
No comments:
Post a Comment