Pages

Saturday, September 19, 2015

KRITIKA NG TAKLUB: SAKUNA BILANG SULIRANING PAMANAHON SA "TAKLUB"


Jason  Pilapil Jacobo

----------o0o---------

Hinugot mula sa:

----------o0o---------

Sinisipat ng abot-tanaw ng pamemelikula ni Brillante Ma. Mendoza ang mga bakas ng sakuna na dulot ng unos na Yolanda sa “Taklub.” Sa panahong dinaratnan ng pelikula, halos isang taon na ang lumipas nang sinalanta ng sigwang Haiyan ang lungsod ng Tacloban, subalit malalim pa rin ang dalamhati ng loob ng nagsusumikap na makaalpas sa suliranin ng sakuna. Habang pinaiigting ng bumubungad na aksidenteng sunog sa tent city ang halos hindi na maaarok na dusa ng nasalanta, binubuksan naman, kahit baha-bahagya, ang ilang sitio kung saan maaaring gumapang pabalik sa rabaw ng danas ang abot-dili ng natataklubang diwa.

Kung sasaliksikin ang mga talahuluganan ng mga wika sa Visayas mula pa noong ikalabingwalong dantaon, mahihiwatigan sa mga entri sa “taclob/taclub” ang metonimiya ng proteksiyon, kung ang taklob ay pantakip, o saplot na nga sa katawan laban sa di mawaring kawalang katiyakan ng panahon sa ronang tropiko, lalo na ng Leyte, na nakalantad sa karagatang Pasipiko, kung saan unang nagwawasiwas ang mga siklon na kinatatakutan sa buong kapuluan. Naririyan din siyempre ang pagbanggit sa isang uri ng talaba na maaaring makalap mula sa mga baybayin ng Leyte, ang “taklobo,” na hindi malayong ituring din bilang metafora ng likas na resistans ng labas sa kabila ng pagiging delikado ng laman-loob. Kaya, interesante ang pinipiling salin sa pamagat. Bakit “trap” kaagad ang ipinalilitaw, at hindi “shelter”? Ano ang iginigiit sa balintiyakang pagpapa-aninaw na ito ng iisang panig lamang, ng bahaging “cul de sac” ng nag-iilang-diwang taguri sa gawi ng anumang katawan na takpan ang sarili sa harap ng matinding alinsangan at daluyong?

Sa isang mapanuring etnograpiya ng isang pulo sa Kabisayaan, ipinabanaag sa anyong tuluyan ni Jean-Paul Dumont ang hulagwayan ng gayong ilang-diwa, lalo na sa pagpapalawig ng danas-gugma. Tinawag niyang “visayan vignettes” ang hugis ng isinasagawa niyang metodolohiya ng pagtugaygay sa kanyang sapa-sapantaha hinggil sa “ethnographic trace.” Habang may pagmamalay sa anyo ng “sugilanon,” na maaaring katumbas ng “katha” ng mga Tagalog at ng “osipon” ng mga Bikolnon, tinurol ng antropologo ang mga bakas ng nakamihasnang ugali ng mga taga-Siquijor upang buoin ang isang ladawan ng mga damdamin/sentimyento, pakiramdam/sentido, at pagdaramdam/sentimentalidad na lumilinang sa isla bilang pulo nga ng di matataguriang pamumuhay at paghahanap-buhay sa agaw-dilim ng gugma.

Masasabing may taglay na pagkakaunawa sa gayong “miserabilismo” ang pelikula ni Mendoza. At kung babanatin pa, maaaring narating din ng kanyang nagsusugilanong katha ang gayong sensibilidad (bagaman mapakla [at halatang piniga pa ang tamis-pait mula sa lasang ito], produktibo gilayon ang pagbabatuhan ng mga asiwang linya sa pagitan ng Waray at Tagalog, upang ipabatid na dati pa man, isa nang “contact zone,” o pook-diitan, ang Tacloban, at higit itong mananatili bilang gayon dahil sa sakuna). Ginamit na kasangkapan ng dulang pampelikula ni Honelyn Joy Alipio ang apat na kuwadro ng kasalantaan: si Renato (Lou Veloso) na kinalayo ang natitirang mga supling mula sa inanod na ngang mag-anak; si Larry (Julio Diaz) na nagkabaun-baon sa lupa ang mga mahal sa buhay; si Erwin (Aaron Rivera) na nililipad-lipad ng hangin ang papeles ng pagkautas ng kanyang mga ginikanan; at si Bebeth (Nora Aunor) na naglalaum na buhat sa nukleotidong mababakas mula sa kanyang laway ay mababatid pa rin sa wakas ang mga bangkay ng mumunting padangat na itiniwalag sa kanya ng malulupit na ragasa.
Mahusay ang kuwadrilateral na pagpipitak-pitak na ito ng sinematograper na si Odyssey Flores ayon sa mga elemento ng ronang tropiko, upang ipahiwatig ang salaysay ng muling paglikha mula sa kalugmukang dulot ng tifon, dahil naisasaysay ang mahilahil pa ring pagluluwalhati na pinagdaraanan ng sinumang nababalaho sa luksa. Mayroong binubuo, oo, datapuwa, lagi namang natatalos ng panghuhubog ang alaala ng pinsala, kaya’t paulit-ulit na lalagapak, tulad ni Sisifo.

Alalaong-sana, nakalulundag ang pelikula lampas sa balag ng alanganin na hinahawan niya, subalit hindi. Nananatili ang tanaw-daigdig sa loob ng sakuna sa mismong kasalantaan na dahilan ng kanyang pamamanaag, at katwiran ng panganganino. Nabibigo ang salaysay ng mga napahamak na, na alpasan ang alapaap na akala niya’y nagpapalinaw ng kanyang sipat. Liban sa pagsasadula ng paglala ng burukrasya, wala nang ibang pinagbabalingan ng suri sa kung ano ang mali sa mga kalakarang panlipunan kaya ganoon na lamang ang kaguluhan. Sa pagyakap sa traumaturhiya ng mga nasakuna, ang nasasalat lamang ay pagsuko sa taumaturhiya, sa paniniwalang may panahon ng himala: maaaring hindi ngayon, maaaring hindi bukas, ngunit tiyak ang pagdatal nito, dahil nakalaan na nga ang panahong ipinangako, isasakatuparan na lamang ang nakaakda sa kalatas. Ang pinakamabuting gawin—ipasa-panginoong Maykapal na lamang ang lahat. Kaya ganoon ang wakas: isang sipi mula sa Ecclesiastes, at isang koro na magsisiawit na sasapit din ang ganap na pagkaligtas. Hindi ba’t batbat ng panganib ang ganitong maling panunumbalik sa Lumang Tipan, kung saan halos lahat naman ng desastre ay kalooban ng Diyos? Kaya pala ang taklub dito ay walang pakundangang bitag. Ito ang puno’t dulo ng isang katha na wala namang inihahandog na dahilan sa antas ng kayarian, kung bakit lumiwag ang kasalantaan, kung bakit ganoon pa rin ang kalagayan—sakuna, at sakuna lamang—kaya iniaasa sa isang teolohikal na paglalahad ang bukod-tanging pormasyon ng pagpapasya sa mga ipakilala sa simulang biktima. Ganoon na lamang ba ang sakuna, galing sa kalikasan, kaya’t ipauubaya na lamang din sa pag-inog ng mundo’t pagdausdos ng panahon?

Ganito man ang pangkalahatang suliranin ng pelikula hinggil sa tagal (tenure) ng sakuna, hindi naman matatawaran ang pagkiling nito sa kasandalian ng lunan, kahit pansamantala lamang, lalo na sa kapangyarihan nito na himatungin ang damdam ng hindi na magpapagaping kalooban. Kung gugma nga ang kalagayang pinapangarap sa kabila ng lahat ng desgrasya buhat sa mga pangyayaring itinuturing bilang likas, may karunungang bayan hinggil sa lugar nito sa paghahanap-buhay, na hindi mahihindian ang pag-usbong nito sa larang ng hilahil, tulad na lamang ng matatanto sa eksena kung saan inaawit at isinasayaw ang “Rosas Pandan.” Doon, natutunghayan ng pelikula ang paghuhubad ng takot na itinaklob sa katauhang nasalanta. Kaya’t nagagawang umindak ng mga paa at kamay na dati’y walang ibang atas kundi tiyakin na ang sarili’t kapuwa’y sa marahas na tubig, hindi pa natatangay.

At, buti na lamang, hindi napapagal ang isang Binibining Aunor! Gala siya nang gala sa bawat sulok ng sawing siyudad, nangangalap ng tulong para sa kaibigang nasalanta. Luto pa rin nang luto nang may maihain na longganisa’t itlog sa mga kumakatok sa kanyang karinderya. Nagpapatuloy ng mga walang masisilungang kapitbahay kapag ang mga ito’y natataranta sa kulog at kidlat na lumiligalig sa dagat. Nag-aampon ng ulilang tuta. Naghahagilap ng hiniwalayang bana, sa pag-asang may DNA match na magpapabatid sa kanyang may maililibing na bangkay ng inanod na anak. Nakamamangha na kahit na lumalim na ang kanyang pag-unawa sa tauhan matapos ang dekada-dekadang pagdurusa sa loob at labas ng kanyang banwa, may ilalalim pa pala ang balon ng kanyang abot-dama. Lubos pa sa lubos ang kalinangan niya na bagbagin ang damdam, na lansagin ang kayarian nito, alinsabay sa pagtuturo ng hibo ng dangal na itataklob sa kaloobang puspos ng bagabag. Sa mga sandaling nakalaan para sa nakakuwadrong luksa, kusa niya pipiliin ang laylayan, upang patatagin ang balangkas na maglalarawan sa dinadalanghati ng kapuwa. Kaya: hindi pa man tumitingala, batid na natin na matagal nang naghihinagpis ang nakatungong si Lou Veloso; wala pa man siyang binibigkas, gumuguho na ang wika kay Julio Diaz; hindi man makapalag buhat sa kanyang kinasasadlakang diwa, matitiyak natin na ninanasa ni Aaron Rivera ang isang pagkakataon sa liwanag.

Walang maliw na pagkamingaw at paghigugma ang pagpatak na iyon ng tiniis na luha mula sa hindi pa rin natin malirip-lirip na mata: Nora.

No comments:

Post a Comment