‘DEMENTIA’ Review
By:
TERESA TUNAY
Catholic
Initiative For Enligthened Movie Appreciation
--------o0o---------
---------o0o---------
Uuwi mula sa Amerika
ang mag-asawang Elaine at Rommel (Bing Loyzaga at Yul Servo), kasama ang
dalagang anak na si Rachel (Jasmine
Curtis-Smith) upang alagaan si Mara (Nora Aunor), kapatid ni Elaine na may
dementia, isang kalagayan ng matinding pagkalimot at panglalabo ng isip. Sa pag-asang makatutulong sa paggaling ng
demensya ni Mara ang pagbabalik nito sa bahay na kanyang kinalakihan,
magbabakasyon silang lahat sa kanilang ancestral home sa Batanes.
Tatlong bagay ang
matatawag na mga “panalong puhunan” ng Dementia: ang Batanes, ang musika, at si Nora Aunor.
Isipin nyo na lang,
kung siyudad o isang makabagong probinsya ang pangyayarihan ng istorya, tiyak
na mababawasan ang hiwaga nito—di tulad ng Batanes na pumupukaw sa
pagkamalikhain ng cinematographer. Ang
musika: sa simula pa lamang ay isinisilid na nito ang damdamin ng manonood sa
isang “mood” na mananatili sa kahabaan ng pelikula.
At si Nora Aunor? Tila ipinanganak siya para gumanap sa
ganitong mga papel—tulad ng sa Himala—kung saan ang kanyang katauhan ay tila
isang bugtong, nababalot ng hiwaga, lalo pa’t kakaunti ang mga linyang dapat
bigkasin ng aktres kaya’t babantayan mo na lang ang kanyang mukha, mga mata, at
kilos upang matanto mo ang kahalagahan nito sa pagbubuo ng salaysay.
Napakagaling ng
pagkakagamit ng angking ganda ng Batanes upang isulong ang drama; malamang ay
inspirasyon na rin ito sa mga artista upang gampanan nang kahanga-hanga ang
kanilang mga papel. Kakatwa lamang na
ang ikinabawas ng lakas ng Dementia ay ang mga idinagdag ditong sangkap na
hindi makatuturan.
Malaman ang kuwento ng
Dementia, bagama’t may mga sangkap itong kapag kinuwenta mo na sa dulo ay
kalabisan lang naman pala, hindi nakakadagdag sa kabuluhan o takbo ng istorya;
sinadya kaya ito para “iligaw” ang pagpapalagay ng manonood, o kaya’y upang
“busugin” ang sabik ng mga tao sa karaniwang katatakutang natatagpuan sa
karaniwang horror movies?
Kahit na may mga
panggulat na eksena at multo ang Dementia, hindi ito isang “horror movie” o
kababalaghan kaya. Ito’y isang
palaisipan na nag-aanyaya sa manonood na sakyan ang kalagayan ng isang taong
may demensya—kinakalawang ang alala-ala, pumupurol ang isipan.
Naililibing kaya
kasama ng isang yumaong mahal sa buhay ang kasawiang namagitan sa dalawang
nilalang? Ito ang nais bungkalin ng
Dementia: sadya kayang nakakalimot ang may sakit, o mayroon lamang siyang
gustong ibaon sa limot? Kung sadyang
nakakalimot na nga siya, bakit may isang higit pang makapangyarihang ala-ala
ang tumatangging sumama sa libingan? Ano
ang tunay na bumabagabag kay Mara—demensya, o konsiyensya?
Technical assessment:
3.5
Moral assessment:
2.5
CINEMA rating:
V14
Ms. Teresa Reyes Tunay, OCDS – a multi-awarded journalist
seasoned in mainstream media. As Founding Board Member of CINEMA, she has
served as juror at international film festivals in Europe, Asia and Africa
since 2004. As independent media consultant she writes a gospel reflection
column in the ‘Philippine Daily Inquirer’ and an opinion column in ‘The CBCP
Monitor’, and gives talks on prayer life.
No comments:
Post a Comment