Pages

Thursday, August 28, 2014

NORA AUNOR: ARTISTA NG BAYAN


Pangulong Pascual, Chancellor Mike, Gawad Plaridel honoree Nora Aunor, mga rehente, mga ofisyal ng UP System at UP Diliman, mga kasamahang guro at kawani sa UP Diliman at iba pang pamantasan, mga estudyante ng media at komunikasyon, mga fans, mga bisita at kaibigan,

            Ikinararangal ng Kolehiyo at Unibersidad ang pagbibigay ng Gawad Plaridel kay Nora Aunor.  Sa bisperas ng pagdiriwang ng ginintuang taon ng mga programa ng Kolehiyo, ginugunita namin ang nakaraan at tinatanaw ang hinaharap.  Mainam na pasinaya sa ika-50 taon ang pagbibigay ng gawad kay Nora.


            Ang pinaparangalan ay ang nagpapatuloy na ebolusyon ng pagiging natatangi at mabuting artista, tao, at mamamayan.  Natatangi si Nora dahil nakikita ng fans, at pati ang audience ngayong hapon, ang kanilang sarili sa kanya.  Na ang kanyang pagtatagumpay ay atin ding tagumpay; na kung saan natumba, roon din babangon; na kahit ilang beses mahulog, ganoon din ang muling pagtatatangkang tumindig at muling magpursigi.

            Itinaas ni Nora ang kalidad ng media na kanyang kinapalooban, at naging integral sa transmedia na kulturang popular na humubog sa ilang henerasyon ng manonood ng pelikula at telebisyon, at tagapakinig ng musika.  Makapangyarihan ang pinipili at nahihirang na bituin ng manonood, tagapakinig at mambabasa ng kulturang popular dahil ito ang hinahalal na salamin at dalumat para makita ng mga individual at kolektibo ang imahen ng kanilang mga pangarap at aspirasyon, ng mga sarili at pagkatao.

             Sinabi na nga rin ni Nora, “[M]aski wala mang tropeo o karangalang igawad sa akin ang mga nasa kapangyarihan, iniluklok naman ako ng mga kababayan ko habang buhay sa kanilang mga puso bilang isang artista ng bayan.”[i]  Hindi marami ang makakapagsabi ng ganoon, makakaantig ng mga damdamin, mapapalapit sa mga buhay ng manonood.  Gusto ko lang din idagdag, Nora na sa pagpaparangal sa iyo ng Gawad Plaridel ng Unibersidad ng Pilipinas, kahanay ka na sa mga skolar ng bayan, guro at kawani ng bayan na iniaalay ang buhay para sa paglilingkod sa bayan.  Tunay kang superstar ng bayan, at muli ngayon, artista ng bayan!

            Ito rin ang diwa sa ika-164 na kaarawan ni Marcelo H. Del Pilar, tatlong araw mula ngayon.  Ayon sa nasyonalistang ilustrado Dominador Gomez, “[S]i Marcelo H. del Pilar—anyá—ay isáng̃ «mabuting̃ tao» at sa kanyáng̃ diwà ay dî nagkákapuwáng̃ ang̃ anó mang̃ masamáng̃ adhikâ, sapagká't sa kanyáng̃ pusò ay nagsísikíp ang̃ wagás na pag-ibig sa Tinubuang̃ Lupà.”[ii]

            At ito rin ang diwa na gagabay sa susunod na Gawad Plaridel, mula sa transmedia excellence ngayong taon tungo sa pinakamataas na kagalingan at profesyonalismo sa media ng pelikula sa 2015.  Magkita-kita tayong muli sa UP Film Center, at sa iba’t ibang mga sinehan.

            Isang maningning na hapon sa ating lahat.

----------
Pangwakas na Pananalita  ni Dr. Rolando B. Tolentino
Dekano, UP Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla
2014 UP Gawad Plaridel

No comments:

Post a Comment