Ni
Jason Pilapil Jacobo
----------o0o---------
Source: https://www.facebook.com/notes/jason-jacobo/nora-aunor-hindi-maaaring-hindian/10152101853631879
---------o0o----------
Wala nang ibang
gawad ang maaaring ialay kay Nora Aunor—siya na dinalamhati ang
pinakamasasalimuot na sugat ng bayan sa antas ng hulagway at palatunugan—kundi
ang Pambansang Manlilikha ng Sining. Sintomas ng isang krisis sa pamamahala ng
estetiko sa bayan at sa bansang nakatanghod sa harap ng banal na basbas ng
sining ang pagkaantala ng kanyang proklamasyon.
Kategoryang
pansantinakpan ang estetiko, at habang may halaga ang anumang ensayo ng bayan
patungkol dito, ang kasarinlan nito sa mundo ng kasaysayan ay hindi maaaring
ukluin ng katwiran ng moralidad, lalo na ng estado na ang naipapanukala lamang
ay hubog-moral para sa estetiko.
Mga kritiko ng
kabihasnan ng pang-aapi ang mga iskolar na humirang kay Nora Aunor, ang
mang-aawit-tagaganap, kasama sina Cirilo Bautista, ang paham-makata; Francisco
Coching, ang manlilikha ng komiks; Francisco Feliciano, ang musikero; Alice
Reyes, ang dalubmananayaw; at Jose Ma. Zaragoza, ang arkitekto, bilang Artista
ng Bayan. Bukod-tangi ang pagganap ni Aunor, dahil radikal itong dumamay sa
danas ng bawat Pilipinong nakikitalad sa hindi na maitatatwang daigdig ng
dusa. Maaaring tuligsain ng gayong
dalubhasaan ang mga diktador at ang mga himagsikan, subalit hindi nito
matatawaran ang bayan na lumilipos sa sining ni Aunor at sa kanyang malikhaing
pamayanan.
Anumang pinsala
ang nananatiling may saysay sa kanyang mukha at tinig, isang anyo ang umaalsa
nang may matalisik na pag-unawa sa mga pagkakataon ng estetiko laban sa
politikal. Sa sangandaang ito ng pagmamatyag makapangyayari ang tugon ng
siyasat. Hindi lamang ang pagkakasangkapan ng estado sa artista ang may bigat
sa usaping ito. Anuman ang pamaraan ng pagpuputong o pagtatakwil, ang hindi
matahimik na aswang ng kapwa diktadura at rebolusyon ay ang mabalahong
pakikipagtuos sa kasaysayan. Hindi matitibag ng kasalukuyang rehimen ang mga
latak ng lumipas na pandarahas kung patuloy na ipagpapaliban at tuluyang
ipagkakait kay Nora Aunor ang nailaan nang karangalan. Kung ang huli nga ang
mananaig, sino pala ang kulang nito, ng dangal? Ang masahol pa, ipagkakait sa
bayan na tahakin ang nakatadhanang salimuot sa landas ng panahon at kasaysayan,
may mga bayad mang masingil, o walang
mang kapatawarang sa puso ay malayang mauutas. Kung itataas si Aunor matapos
ang lahat ng tangkang makitalad, doon tunay na mabubuwag ang lahat ng
monumentong itinayo ng diktadura sa ngalan ng kariktan. Marahil, doon nga
maiwasiwas ang isang sagisag ng tagumpay (isa kayang watawat?), mula sa digma.
Hindi ba’t ang sandaling iyon ang rurok na naghihintay sa mapaglantay na
demokratikong atas?
Iniluwal at
inaruga ang sining ni Aunor sa buhanginan ng kaibhan, at hindi sa lupain ng
nakagisnan. Nilalangkap ng kanyang larawan at ng kanyang tunog ang palakumpasan
ng pagmamahal na nakalakip sa bawat panganorin ng pag-asa.
Ang parangalan si
Nora Aunor: doon mapahihindian ng bayan ang paghihindi ng estado.
Doon lamang ang
maibubukod ang kanyang katangian.
* Nais kong
pasalamatan si Jose Mari Cuartero sa kanyang matalas na mga katanungan habang
isinusulat ko ang pinakamarurubdob na talatang pahayag na ito.
No comments:
Post a Comment