Pages

Wednesday, September 25, 2013

Ang tunay na mabuti sa “ Ang kwento ni Mabuti”

 

                                                ni Deo Antazo

“Nakayakap ang mga ulap sa mga bundok. Mapapansin ang kokonting bahay sa komunidad ng Kasinggan.  Ito ang huling baryo sa bundok bago maabot ang ulap.  At sinasabing, piso na lamang, abot mo na ang langit.Ito ang karaniwang tanawin sa Mountain province. 

Mararamdaman ang lamig na bumabalot sa paligid dahil sa mga hamog sa mga puno at halaman.  Sa mga taniman na nakaukit sa gilid ng matatarik na bundok ay nakasibol ang iba’t ibang klase ng gulay tulad ng repolyo at cauliflower.”

Dito sinimulan ng kwentistang si Mes De Guzman ang paglalahad sa pinaka bago niyang obra na ang Kwento ni Mabuti.  Bagamat may lantay ng realismo hindi romantikong inilahad ni De Guzman ang karaniwan at gasgas na tema ng indie films, ang kahirapan, patayan at seks. Hinayaan niyang masaksihan ng manonood ang natural na daloy ng kanyang naratibo. Madarama mo at makikita ang payak na kagandahan ng lunan.  Ang mataas na kabundukan ay dikotomiya sa payak na pamumuhay at simpleng pangarap ng mga nakatira doon. Ang malamig na kapaligiran ay kabaligtaran ng mainit na pagsasasamahan ng mga tao sa komunidad at ang pakikitungo nila sa isa’t isa.  Mahusay ang paghabi ng naratibo ng kwento.  

Ito ang birtud ng Ang Kwento Ni Mabuti.  Ang paglalahad ng kwento at eksposisyon nito na hindi kailangan ng magarbo at komplikadong naratibo upang maghain ng kakaibang pelikula. Sinagka ni De Guzman ang paglalahad ng kwento na kailangan na may simula, gitna at malinaw na wakas.  Dahil iiwan sa atin ng kwentista ang magiging katapusan ng kwento.  Ang lipunan ang espasyo ng imahinasyon ng manunulat, mambabasa at manonood.  Ang kwento ni Mabuti ay hindi lamang personal na karakter ng manunulat, si Mabuti ay panlipunang tauhan na nauunawaan natin dahil sa panlipunang dimension at ugnayan.  Halimbawa ang relasyon ni Mabuti sa kanyang pamilya bilang anak at bilang ina na mag isang tinataguyod ang mga anak.  Ang relasyon niya sa mga tao sa komunidad bilang folk healer at ang obligasyon niya sa kanyang sarili. 

Anu pa ang mabuti sa kwentong ito?  Ang kasimplehan ng mga tauhan at ang pagiging authentic ng lengwahe na ginamit dito.Ang pagpili kay Nora Aunor bilang Mabuti ay umaayon sa deklarasyon ng iskolar at kritiko na si Rolando Tolentino kay Nora bilang bilang cultural icon ayon sa kanya” nasisipat ng figura ni Nora ang malaking kulturang Filipino”.

Ang isa pang punto na dapat papurihan ay ang tema nito, hindi intensiyon ni Mes na mangaral o maglitanya tungkol sa moralidad.  Batid niya na may kanya kanya tayong pagpapahalagang moral.  Sa huli, iiwan niya sa manonood ang kasagutan ngunit magsisilbi itong gabay sa atin bilang tao sa pagtahak natin sa landas tungo sa inaasam ng lipunan sa atin sa isang matuwid na daan.

No comments:

Post a Comment