by BOY VILLASANTA
August 22, 2011
Bagamat babasahin nating lamog na lamog na si Nora sa kanyang publiko  at pribadong buhay sa pananaw ng mga siniko o moralista o sulimpat ang  tingin sa mga bagay-bagay, nananatiling si Aunor pa rin ang simbolo ng  lipunang Filipino—sa kabuuan ng personalidad ng isang sagisag na dumaan  na sa maraming pagsubok at pakikibaka sa tunggalian ng mga uri sa  lipunang ito at hanggang ngayon ay nangangapa pa rin sa tunay na  landasin dahil sa urong-sulong, sinikal at bantulot na pakikipagbuno,  kumalas sa mga samut-sari, sabid-sabid na mga motibo ng mga burgis at  peti-burgis at ng kanya mismong uri na nakapaligid sa kanya at akayin  ang bawat isa sa tamang landas kahiman at matagal itong adhika.
Artista si Nora at siya ay saksi sa lahat ng mga bagay—mabuti at  masama—na naganap at nagaganap sa showbiz at ang partisipasyon ng mga  ahensiya at tao sa negosyo at larangang ito ay kapang-kapa na niya sa  kaibuturan ng kanyang puso at isip.
 *** 
Kaya ang pagkalap ng mga progresibo kay Guy na makasama sa  pagsusulong ng Free Expression Bill o ang pagbabago sa mga nakaugalian  nang rikotitos ng Movie and Television Review and Classification Board  ay isang nakakapagpaalab ng puso at diwa ng mga nakikibaka para sa  malayang pamamahayag.
Kasi nga’y ang isa sa masisigasig na nagsusulong kay La Aunor na  maging nasa pusod ng pagsusulong ng Free Expression Bill ay walang iba  kundi ang masigasig din at aktibong kasapi ng Young Critics Circle na si  Nonoy Lauzon.
Kinukulit ni Nonoy ang peryodistang pampelikulang si Dennis Adobas na  maging bahagi si Ate Guy ng Free Expression Bill lalo na sa mga  kilos-protesta ng mga taong bumubuo nito.
Maisisingit naman ito marahil ni Nora sa kanyang mahigpit na iskedyul  dahil isa ito sa mahahalagang gawain ng bawat tao, magulang, anak,  propesyunal, manggagawa saanmang sulok ng lipunan at marami pang mga  klase ng nilalang sa ating piling.
***
Matagal nang isinusulong ang pagbabago sa MTRCB sapul pa noon pero  nagkasama-sama ang mga kabataang filmmaker na sina Lady Ann Salem,  at  iba pa nang magbuo ng grupo para isangguni ang pagbabago sa ahensiya ng  sensura sa bansa dahil sa pagbabawal nito na magpalabas ng mga pelikula  sa Cine Adarna ng University of the Philippines Film Institute na ang  pelikula ay hindi dumaraan sa kamay ng MRTCB.
Kaya lang ay hindi nagpatuloy ang kilusan hanggang sa magbago nga ang  rehimen at makita na may iba nang timpla at ihip ng hangin ang bagong  pamahalaan.
***
Kagagaling lang ni Joel Lamangan  kasama ang peryodistang si Dino Manrique at iba pa sa Kongreso para  isulong ang Free Expression Bill.
Pero ang napagkasunduan ng samahan ay ipagpatuloy ang mga layunin pero hindi na gagawing maingay.
Kaya rin naman ni Norang hindi maingay ang kanyang pagtulong sa pasusulong na ito.
Umalis na pabalik ng Singapore si Carlitos Siguion-Reyna pagkatapos  niyang sanggunian ng mga kasama sa pagtataguyod ng Free Expression Bill  at ang payo nito ay ipagpatuloy lang ang mga simulain pero hindi na  kailangang kumilos pa nang malawakan halimbawa’y mga demonstrasyon at  martsa.
Samantala, kaugnay ng malayang pamamahayag, nagsimula na ang  organisasyon ng Freelance Writers of the Philippines na pinangunahan ni  Dino at ng kanyang mga kasama.
Ito ay para pahalagahan ang mga kagalingan at karapatan ng mga  peryodista sa iba’t ibang larangan ng panulataan kabilang ang peryodismo  pampelikula. 
--------------------------------------------------------------
Source: http://pinoyweekly.org/new/2011/08/nora-aunor-templo-ng-pagsusulong-ng-free-expression-bill/
 
No comments:
Post a Comment