Monday, August 15, 2011

ISANG MAPAGPALAYANG NORA AUNOR


[Halaw mula sa panulat ni Boy Villasanta sa artikulong sinulat sa Bomba Balita na pinamagatang ‘Fans ni Nora Aunor, umaatungal pa rin pagkakita sa aktres’]



Talagang ang bituin ng masa ay si Nora Aunor.

Si Nora Aunor na mula sa masa at magwawakas sa masa.

Dahil ang patunay nito ay nang magbalik siya sa Pilipinas kamakailan.

Hindi magkamayaw ang mga Noranians sa pagsalubong sa kanya at ang preparasyon sa kanyang pagdating noong Martes ng umaga ay parang pista sa apat na sulok ng bansa, sa apat na kanto ng Ninoy Aquino International Airport.

Sa pag-alis pa lang ni Nora sa Los Angeles Airport sa Esatados Unidos ay gayon na lamang ang paghahatid sa kanya ng mga Filipino at kahit na ng mga dayuhan doon na siya ay alam na sikat na aktres sa Pilipinas.

Lalo na nang lumapag ang kanyang eroplanong kinalulunaran at doon na nagsimulang magsiksikan ang mga tagahanga ng bituin.

May mga  silang banner na parang noong panahon na nagtatanghal ang aktres ng kanyang mga TV shows at ipinapalabas ang kanyang mga pelikula sa mga sinehan.

Hindi man ‘yon maibabalik ay parang ibinabalik ang paanatikong pagsamba ng mga tagasubaybay sa kanilang idolo.

Nang makalabas na sa Immigratin Section si Aunor at masilayan na ng mga fans, may manghihimatay pa, may nagsisigaw, may naglulupasay.

At lalo pang nag-umalpas ang pagkamasugid na mga tagahanga ng Noranians, bata o matanda nang lapitan na sila  ng kanilang hinahangaang aktres.

Sa maniwala kayo’t hindi, ang unang niyakap ni Guy ay ang kanyang mga tagahanga na matiyagang naghintay sa kanya hindi lang sa NAIA kundi saa buong buhay nila na makabalik sa bansa ang Superstar.

Niyakap ni La Aunor ang kanyang mga tagahanga at pinaghahalikan.

Bilang ganti, may mga tagahangang yumapos sa kanya  na ayaw nang kumalas sa pagkakahinang sa kanyang katawan.

Ganyan kamasa at kahirap ang nirerepleksyong uri ng lipunan ni Nora.


Mas nakakapag-identify sa kanya ang naghihikahos at inaapi sa lipunang ito dahil nakikita nila kay Ate Guy ang pagkabusabos nila dahil madalas ding nabusabos si Nora ng mga naghaharing-uri bagamat siya rin bilang tao at bilang artista ay nakipagsabwatan din sa naghahari samantalang kaya naman niyang maghari ng kanya lamang at mas mabibiyayaan atmaipagtatanggol, lalaya ang mga taong nakikisimpatiya sa kanya lalo na ang mga naghihikahos.

Nakay Nora ang baraha – at lagi namang nasa kanya ito – para mas makapaglider nang hindi sasanib sa pulitika ng sistemang pampulitika sa Pilipinas kundi sarili niyang klase na pamumulitika na makapag-aadya sa sinasamantala at sa layuning makaigpaw sa mapambusabos na kalakaran ng buhay sa lipunang ito.

Isa si Nora sa makapagtataguyod ng mapagpalaya kundi man pantay na pamumuhay sa bawat isang mamamayan - - kung maninindigan lang si Aunor sa kanyang paniniwalang siya ay makamasa at makikiisa sa layunin ng mga progresibong makapaghahango sa atin sa kahirapan at kamangmagan.

------------------------------------------
Source: Bomba Balita
               Sabado, Agosto 6, 2011


No comments:

Post a Comment