ni : Rhyan F. Cotas
Ika-16 ng Setyembre ng napanood ko ang Taklub sa
Robinson Galerria Cinema 4 kasama ko ang aking better half pumasok kami.
Masasabi ko na konti lang kaming nanood. Mga nasa sampung katao pero di iyon
dahilan para di ko magustuhan ang pelikula. Kung lilimiin napahanga ako ni
Brillante dahil di nya inihain ang pelikula sa isang melodramang paraan na ang
eksena ay punong puno ng highlight, iyakan, pagpapaawa ng bida o akting na akting
na mga eksena para mapansin ang husay ng mga artista. Ang naramdaman ko yung
paghihirap ng mga taong nasalanta ng bagyong Yolanda, sabi ko sa wifey ko , ang
bigat, ang sakit sa dibdib- humihiwa sa puso ko ang bawat eksena na inilalatag
ng pelikula. Naramdaman ko yung pagkawala ng pamilya ni Renato, yung sugat na
iiwan sayo na halos sabay-sabay na namatay ang iyong asawa at anak, nakasama
ako ni Erwin saglit ng manakaw ang kanyang bubong ng bago nyang itinayong
bahay, nakidalamhati ako kay Larry sa pagkawala ng pananampalataya nya sa Diyos
ng ibaon nya ang imahen ni Hesus sa lupa, at bumigat ang dibdib ko ng nabasag
ang mug na may larawan ng anak ni Bebeth. Masaklap makita na ganito yung tunay
na nangyari sa ating mga kababayan. Napaisip ako paano kung duon ako nakatira sa
Tacloban ?
Ang pelikulang ito ay hindi para sa mga
ordinaryong manonood na naghahanap ng pagtakas sa realidad ng buhay. Ang
pelikulang ito ay gigising sa kamalayan mo bilang tao na dapat matuto kang
magpasalamat na kahit papano di ka nakaranas ng mga nangyari sa Tacloban. Ang
pelikulang ito ay hindi para kumita o humakot ng mga manonood na ang gusto ay
sex, pantasya, komedya o aksyon dahil hindi iyon ang dahilan kung bakit ito
ginawa. Ang pelikulang ito ay isang kayamanan na dapat pahalagahan dahil
magtuturo ito sa atin ng katotohanan sa buhay, na sa buhay di mawawalan ng
problema at sa araw-araw di sigurado kung masosolusyunan nga ang mga ito.
Saludo ako sa mga producers ng Taklub at sa mga
taong nasa likod ng pagkakagawa nito. Saludo ako kay Brillante dahil wala syang
inisip kundi ibigay sa atin ang katotohan tanggapin man natin o hindi. Saludo
ako sa mga nagsiganap sa pelikula, kay Lou Veloso bilang Renato napakahusay,
kay Aaron bilang Erwin natural nyang nagampanan ang kanyang karakter, kay Julio
Diaz bilang Larry, nais ko syang palakpakan dahil sa maningning n'yang nagampanan
ang buhay na nawalan ng pag-asa sa Diyos at kay Nora Aunor sa kanyang paghulma
sa katauhan ni Bebeth na tunay na nagpakinang muli ng kanyang pagiging henyo sa
pagganap.
Bilang isang manonood na nakapanood na ng
sandamakmak na pelikula masasabi ko na nag Taklub ay isang kayaman na
maitituring. Isa itong gintong pelikula sa gitna ng mga naglipanang basurang
pelikula sa ating panahon. Hindi nasayang ang pera at panahon ko bagkus
nagbigay liwanag ito sa akin ng bagong dimensyon ng pagiging tunay na tao.
No comments:
Post a Comment