Tuesday, September 3, 2013

SHALEHA: ANG BADJAO NA KINILALA SA BUONG MUNDO

Si NORA AUNOR bilang si SHALEHA
Ni ALVIN DELA CRUZ BERNARDINO

Mapangahas ngunit buong pagmamalaki naming sasabihin na sa kasaysayan ng pagiging film actress ni NORA AUNOR, ang karakter niyang si SHALEHA sa internationally acclaimed movie na THY WOMB ang siyang PINAKAMATAGUMPAY sa lahat...

Sino ang mag-aakala na ang simple ngunit makatotohanang pagganap ni Nora bilang si Shaleha ay maghahatid sa aktres sa tugatog ng tagumpay at magiging daan upang si La Aunor ay muling kilalanin sa buong mundo bilang isa sa mga pinakadakila at pinakamahuhusay na alagad ng WORLD CINEMA...

Nasaksihan natin ang payak ngunit sinubok na buhay ni SHALEHA sa Thy Womb... Isang ordinaryong Badjao na hilot o komadrona na sa isang malaking biro ng tadhana ay nalaman natin na hindi pala maaaring magka-anak... Isang BAOG na babae na nabibilang sa isang kultura kung saan napakahalaga para sa isang may-asawang lalaki ang magkaroon ng ANAK...

Ang pinagdaanan ni Shaleha sa kwento ng Thy Womb ay masasabing hindi pangkaraniwan... At sa pinagdaanan niyang yaon ay nakita natin ang pambihirang KATATAGAN ng kanyang pagkatao... Nakita natin ang KATAPANGANG bumalot sa katauhan ni Shaleha mapatunayan niya lamang ang matinding pagmamahal sa asawang si Bang-asan... Sabi nga ng ina ni Mersila noong namanhikan sina Bang-asan upang pormal na hingin ang kamay ng dalaga (ang naging pangalawang asawa ni Bang-asan at nagbigay ng pinakamimithing anak sa lalaking Badjao): "Pinahanga mo kami sa iyong katatagan, Shaleha!"... AT TOTOO NAMAN NA SADYANG KAKAIBA ANG IPINAKITANG TIBAY NG PAGKATAO AT PANANAMPALATAYA NI SHALEHA UPANG GAWIN IYON...

Umukit sa ating isipan at umantig sa ating mga damdamin ang itinagong sakit ng loob at pighati ni Shaleha na buong banayad niyang ipinakita sa eksenang nakatitig siya sa buwan habang hinahaplos ang banig na buong tiyaga niyang hinabi... At sa eksena ng huling pagtatalik nila ng asawang si Bang-asan na naghalo ang emosyong galak, lungkot at pagtanggap sa kanyang masakit na kapalaran...

Malayo na nga talaga ang narating ni SHALEHA... Malayo na rin ang narating ni NORA AUNOR... Magmula sa Italya hanggang sa Australia, Hong Kong,Russia at dito sa Pilipinas --- at sa di mabilang na tagumpay ng Thy Womb at ng natatanging husay sa pagganap ni La Aunor na kinilala sa buong mundo, masasabing ang karakter ni SHALEHA ay kahanay na ng, kundi man mas higit pa sa mga klasikong katauhan ni Nora sa puting tabing tulad ni Elsa, Bona, Flor Contemplacion, Karina Salvacion/Helen Morda at Dorinda...

Shaleha oh Shaleha... Pinahanga mo kami sa iyong katatagan... Nora oh Nora, patuloy mo kaming pinahahanga sa iyong angking husay at brilyo sa pagganap... MULI, KAMI AY NAGBIBIGAY-PUGAY SA KAPANGYARIHAN AT NAPAKALAKING KONTRIBUSYON NG KABABAIHANG PILIPINO SA ATING LIPUNAN AT SA MUNDO...

Mabuhay ka Shaleha! Mabuhay ka NORA AUNOR!!!

No comments:

Post a Comment