Thursday, August 15, 2013

ANG LANDAS NA TINAHAK NG ISANG NORA AUNOR…




ni Alvin Dela Cruz Bernardino

Maikli lamang ang sanaysay na ito sa kadahilanang napakarami nang naisulat tungkol sa buhay at pagiging artista ni Nora Aunor… Mula sa pagtitinda niya ng tubig sa may riles ng tren sa Iriga, ang pananagumpay niya sa Tawag ng Tanghalan, ang pagiging isang tanyag na mang-aawit, radio talent at product endorser, ang pagpasok sa makulay na mundo ng pelikula at telebisyon, pagsubok sa mapanghamong larangan ng pagganap sa lehitimong entablado at ang pagyakap sa mas mataas na antas ng sining pampelikula at artistikong pagpupunyagi sa mas malalim at mas makabuluhan nitong kahulugan.

Sinasabing sumugal si Nora upang maabot ang kinalalagyan niya ngayon sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino. Walang takot niyang tinahak ang daan na bihira lamang ang sumusubok baybayin… Hindi siya nagpasilaw sa kinang ng komersyalismo na siyang mababaw na basehan ng katanyagan ng mga bituin sa ngayon… Si Nora na isang risk-taker at tunay na alagad ng sining ay naghanap ng isang bukal na makatitighaw sa kanyang “artistic thirst” --- sa isang malaya, mapangahas at “experimental” na approach sa pag-gawa ng pelikula… Buong tapang niyang niyakap ang “indie spirit” o independent filmmaking at ang pag-gawa ng mga seryosong pelikula o art films tulad ng “Tatlong Taong Walang Diyos” at “Bona” sa ilalim ng sarili niyang produksyon.

Sa ngayon, patuloy si Nora sa pamamayagpag sa indie world… Kasalukuyan pa ring umaarangkada ang pelikula niyang “Thy Womb” sa iba’t ibang panig ng mundo na nakapagbigay na sa kanya ng tatlong prestihiyosong parangal bilang Best Actress mula Italy, Australia at Hongkong maliban pa sa mga nominasyon at citations mula sa iba’t ibang international film festivals.

At sa darating na 1st Cine Filipino Independent Film Festival, muli na namang mapapanood si Nora Aunor sa isang obra ni Mes De Guzman --- ang “Ang Kwento ni Mabuti”.

Naglaho man ang matinding kasikatan o commercial appeal ng isang Nora Aunor, binigyan niya naman tayo ng isang malaking dahilan upang ipagmalaki natin ang ating pagiging Pilipino… Isa na siya ngayong alagad ng sining para sa mundo --- isang pagkilala di lamang sa taglay niyang husay sa pag-ganap kundi maging sa kahalagahan niya sa ating kultura. ANG PAGKILALANG ITO AY HIGIT PA SA ANUMANG “COMMERCIAL SUCCESS” NA PANANDALIAN LAMANG.

Matalino si Nora Aunor… At hindi siya nagkamali sa landas na kanyang tinahak…

No comments:

Post a Comment