Monday, May 20, 2013

HAPPY 60TH BIRTHDAY, MS. NORA AUNOR


Isang pagpupugay sa Nag-iisang Superstar 
mula kay Fr. Rene Rodillas of  Diocese of Salt Lake City


Superstar ang tawag sa 'yo ng madla,
Ate Guy sa mga nagmamahal mong tagahanga.
Ang Panginoong Diyos lubos kang pinagpala,
Kakaibang talento sa pag-arte't pagkanta.
Sa pag-awit ika'y nag-umpisa,
Puhunan mo'y ginintuang tinig na walang kagaya.
Pag-arte mo sa puting tabing naiiba,
Iba't ibang damdamin nasasalamin sa iyong mga mata.
Ika'y inaalipusta noong ika'y nagsisimula,
tinatawag na negra't baluga.
Dahil sila'y inggit at insekyur sa tagumpay mong tinatamasa.

Sa pamamagitan mo'y nakilala,
tunay na galing at gandang Filipina.
di lamang sa tinubuang lupa, maging sa ibang bansa.
Sa pag-imbulog mo sa mundo ng musika't pelikula,
mga mestiso't mestisang mang-aawit at artista'y naitsapwera.
Lahat sila'y nawalan ng kita,
dahil sa taglay mong talentong wala sila.
Nora AUNOR, HENYO kang talaga!
Mga pagganap mo sa pelikula ay pinag-aralan at kinikilala
ng matatalino't sa sining dalubhasa.
At nagdala ng mga parangal na sangkaterba,
para sa 'yo at sa mahal nating bansa.

Napakarami ng nagsulputang bagong mang-aawit at artista,
matatangkad, mapuputi at mala-dyosa ang ganda.
Subalit isa man sa kanila'y walang makapantay
sa tagumpay na iyong natamo sa gaya mong anyong Filipinang-pilipina.
Napakalayo't napakatayog na ang narating mo
pero ika'y nananatiling mababang-loob at mapagpakumbaba.
Sa langit kung ika'y tumingala,
napakaraming nagkikislapan sa ganda,
sa dami sila'y di na mabilang pa.
Subali't sa puting tabing ika'y natatangi't nag-iisa.

Ang ningning mo'y walang kupas,
galing mo sa pag-arte habang tumatagal lalong nahahasa.
Tunay nga na ika'y Tala na kaloob ng Diyos sa aming tagahanga.
Sa di mabilang na nai-ambag mo sa industriya ng musika't pelikula.
Nararapat nga na ika'y tawaging
NATATANGING PAMBANSANG ALAGAD NG SINING!

Salamat sa Panginoong Diyos na sa iyo ay lumikha,
Dahil di mo ipinagkait na ibahagi taglay mong talento sa madla.
Sa napakaraming sa iyo'y nagmamahal at tagahanga,
sa aming lahat ay inspirasyon ka,
at pilit ginagaya natamo mong tagumpay
kalahati man lang makamtan din nila.

Nagpupugay kami sa iyo Binibining NORA
sa iyong kaarawan ang Diyos nawa'y patuloy
na patnubayan, pagpalain at gabayan ka!

No comments:

Post a Comment