Sunday, January 27, 2013

THY WOMB, ILANG PALAGAY


By: LOUIE JON A. SANCHEZ
----------o0o----------
----------o0o----------
Ang tahimik ng Thy Womb, halos walang salitaan, at madalas, sa mga natatanging tagpo ng pagdiriwang, o pagkamalay, o pagkamulat, ay ilulunod ang mga ito sa musika.
Hulagway lupa (landscape), hulagway-dagat (seascape) ito, hindi lamang naratibo ng mga karakter–na tatlo lamang naman kung tutusin–kundi ng buong daigdig sa malayong Tawi-tawi na nakababad sa dagat, sa tradisyon, sa kabaguhang unti-unting dumaratal dito, at sa dahas (terorismo, militarisasyon) na natutuhan nang ituring na karaniwan ng mga tagaroon.
Namamangha ako sa paggamit ng “tagaroon” dahil ganoon ang nadama ko sa pagsulyap kina Nora Aunor, Bembol Roco, at Lovi Poe, sampu ng mga gumanap sa ubod-husay na obrang ito ni Brillante Mendoza. Kasaysayan, at ka-saysayan ito ng mga “tagaroong” inilayo sa ating hinagap, malayo sa ating daigdig, halos bukod (other)–o bukod na bukod pa nga–ngunit totoong bahagi rin naman ng ating kinapopookan.
Naisip ko, baka nga tayo pang mga tumitingin, nanonood dito sa lungsod–at “nagmalasakit” panoorin ang pelikulang ito dahil baka hindi na ipalabas sa mga sinehan–ang totoong “tagaroon” o bukod, dahil layong-layo na tayo sa lunang ito ng tahimik bagaman masidhing pakikipagsapalaran.
Hindi ko nais sabihin na isang pelikulang nostalgia ang Thy Womb, bagaman maaari nga ring ituring na ganito ito. Laging matalinghaga ang mga pagbabalik, lalo sa sinapupunan. Ngunit higit sa isang paglalantad ng isang kairalan sa daigdig, na kadalasang ginagawa ng mga dokumentaryo, ang Thy Womb ay isang pelikulang nagbibigay liwanag (at paliwanag na rin) sa mga pagtatayang panlugar (locational discourse) na nakamihasnan natin.
Inilalantad nito kung gaano kakitid, kaliit, ang pandaigdigang bisyon natin bilang Filipino, at niyuyugyog din ang ating mga balangkas at bista (kaya marahil literal na magalaw ang kamera). Hindi ko rin nais banggitin pa ang usapin ng sentro-marhinal sapagkat kahit ang ganitong mga konpigurasyon ay hindi makasasapat sa pagtaya sa ginagawang hulagway-pantao (humanscape) ng pelikulang ito.
Hindi rin isang “it’s more fun in the Philippines” movie ang Thy Womb. Kapanabay ng istoryang nakapaloob dito ang istorya nating lahat na mga Filipino, at makatutulong sa pagkakataon ng pagninilay na ito ang “simultaneity” na binabanggit ni Benedict Anderson. Samantalang naririto tayo, ang mga katotohanang (sa tradisyong realismo, o sosyo-realismo, marahil) inilarawan sa pelikula ay “nangyayari” rin. O nangyayaring hari, wika nga ni Balagtas.
Natapos ng karakter ni Aunor ang paglalala ng banig, at matalinghaga’t mapahiwatig ang animo’y “huling” pagsisiping nila roon ni Roco. May kaniya-kaniyang banig tayo sa Filipinas, ngunit ang mga banig na ito sa huli ay iisa ang binubuo–ang pulo-pulong kabuuang hindi mabuo dahil sa iba’t ibang limitasyon ng lugar, paglulugar, maging ng posisyon at pamumusisyon.
Pagbalik sa diskurso ng “tagaroon”, mahiwagang-mahiwaga sa akin ang laro sa wika ng pelikula: ang pagta-Tagalog (o Filipino) ng mga karakter, at ang pagkalunod ng wikang ito sa wika ng lokal (Badjao ba ito, hindi ko matiyak? Ganyan ako kabukod sa mga wika ng aking bansa). Hindi kaya isa rin ang wika–at ang pambansang wika–sa mga banig na hindi pa natatapos sa paglalala? (Pag-iisipan ko pa ito).
Sa huli, lahat tayo ay “tagaroon” dahil ang mga pagtataya at nakamihasnan sa sinasabing (maka-Kanlurani’t makalungsod na) “sentro” ay dikta at likha sa atin ng maraming kaisipang hindi talaga atin. Kailangan na talagang bumalik sa sinapupunan. Kailangang maging tagaroon, muli at muli.

1 comment:

  1. Thy Womb brought out the best in Filipino literature. Indeed it is a classic on its own. In a way it makes me happy to read articles written with respect and poetry in motion by our very own journalists such as Louie Sanchez.

    ReplyDelete