Pages

Monday, August 29, 2011

NORA AUNOR: Ang Salamin ng Masa


by BOY VILLASANTA
August 7,  2011

Sa maniwala kayo’t sa hindi, si Nora Aunor ay budhi at konsensiya ng masa o ng bawat isa sa atin na nabibilang sa pinagsasamantalahan o pinakikinabangan sa hanay ng anumang uri ng tao sa lipunang ito.

O ang masa ang budhi at konsensiya ni Nora?


Dahil nagmula sa dukha, magbabalik at magtataguyod ng dukha ang isang tulad ni Aunor na hindi talaga makaiwas-iwas o makawala sa kulto ng mga ordinaryong Filipinong naghahanap ng kalayaan sa bawat sandali o kahit sa pangmatagalan ding kalayaan at kasarinlan ng pagkatao, kaluluwa at diwa pati na ang pisikal na anyo ng isang nilalang sa anumang bahagdan ng lipunan pero lalo at higit pa sa lahat ay ang mga nasa ilalim ng guhit ng kahirapan sa baligtad na tatsulok ng buhay na ito sa ating lipunan.


Pero nand’yan si Guy para tayo ay paalalahanan o tampal-tampalin para matauhan o tayo ang sumasampal o nagpapaalala kay Nora na matauhan at ipagtanggol ang bayan.


***
Kasi nga’y matagal nang nais manguna ni Nora sa pagpapalaya sa kanyang mga kababayan bagamat may sapot pa marahil sa mga litid ng kanyang isip.


Matatandaan na kumandidato pa si Aunor bilang gobernadora ng Camarines Sur pero natalo siya. Kasi nga’y wala siyang sistema para sa ganitong pulitika na isa ring agham ng pakikipagpingkian sa kapwa pero nakisawsaw ang Superstar sa kanyang pamumulitika tulad rin ng pagtugpa bigla ni Fernando Poe, Jr. sa pagkapresidente ng bansa gayong kulang pa siya sa kalasag ng pulitikahan sa lebel ng mga bihasa na sa mas magulo at mas intrigang daigdig ng pulitika na kailangan ang higit pang kaplastikahan habang nakikipagkumparehan at nakikipagkumarehan ang isang pulitiko sa kanyang kapwa.



***
Mas bagay kay Nora ang manguna sa mga organisasyon na hindi organisado ang pulitikahan o panggobyerno na may byurukratikong taltalan o intrigahan kundi sa pakikibaka at pakikipaglaban para sa mga progresibong kamalayan ng bawat mamamayan halimbawa’y kung paano ipaglaban ang mga karapatang-pantao o ang tamang pasuweldo sa mga pinagtatrabahuhan.


Sa aming palagay ay hindi na kailangan pa ni Aunor na mag-aral ng batas tungkol sa karapatang—pantao o pangkalikasan o pang-obrero at paggawa dahil may mga magpapayo naman sa kanya.

Ang mahalaga ay ang kanyang diwa at simbolo dahil siya ang repleksyon mga pangakaraniwang tao sa pang-ekonomikong kalagayan lalo na at ang kanyang ningning ay makakalikha ng himala sa mga pinagrereklamuhan.


Kaya lang nga ay kailangang magtiis siya at makibagay sa mga bagay na naranasan na niya noong mahirap pa sila bagamat nakaalpas siya pansumandali nang siya ay magkamal ng malaking halaga at salapi pero sanay naman siya sa hirap.


***
Hindi nga ba’t sinuportahan pa siya ng Philippine Educational Theater Association o PETA, isang makabayan at makataong organisasyong kultural?


Pati ang Migrante ay nasa kanyang likuran lalo na nang gawin niya ang mga pelikulang pang-OFW tulad ng “Flor Contemplacion.”


Kaya lang nga ay walang tiyaga si Ate Guy sa madawag at mas malayo pang paglalakbay ng pakikibaka.

Mas nanaisin niyang magkulong sa kanyang kuwarto o kaya naman ay makipagsosyalan sa kanyang mga amiga sa showbiz o mangarap ng jackpot.


Ang pakikilangkap sa masa o paglubog sa masa ay hindi muling ginampanan ni Nora.


***

Pero ngayong nagbalik siya, ang sabi niya’y magbabago na siya sa lahat ng mga kalokahang naganap sa kanya, sa mga maling desisyon sa kanyang buhay.


Hindi pa naman huli ang lahat pero puwede rin naman na pagsabayin niya ang pakikipagsosyalan at ang pakikibaka para sa kalayaan at kapakanan ng higit na nakararaming Filipino. 

------------------------------------------------------
Source: http://pinoyweekly.org/new/2011/08/nora-aunor-ang-salamin-ng-masa-ay-nandito-na-naman-at-nambubulabog-sa-ating-lahat/

No comments:

Post a Comment